8

Apr 7, 2021 @ 15:22
By

Pagbabayad ng PhilHealth pinabibilisan ni Go

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na madaliin ang pagbabayad at ayusin ang kanilang obligasyon sa mga health care provider at institution partikular sa Philippine Red Cross gayundin sa mga ospital na may mga valid claim.

“Nagkaroon ako ng pagkakataon makausap si Atty. Gierran. Sinabi ko na bilisan na ang pagbayad sa mga valid claims ng mga private and government hospitals para mabilis na makaikot ang kanilang cash flow at makadagdag sila ng mga hospital beds for COVID-19 patients,” sabi ni Go.

“Nakiusap rin ako na bilisan po ang payment sa Red Cross. Mabilis at nakakatulong po ang COVID-19 testing sa Red Cross at ang iba pa nilang serbisyo sa mga kababayan natin. Kailangan natin sila para ma-achieve ang target na mas maraming testing kada araw,” dagdag nito.

Ayon kay Go, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay inatasan ang PhilHealth na padaliin ang kanilang proseso at tiyaking walang delay sa pagtugon sa kanilang mandato sa gitna ng pandemya.

“Tinawagan din po mismo namin ni Pangulong Duterte si Atty. Gierran para bilisan ang kanilang proseso at mabayaran ang dapat bayaran,” sabi nito.

Kung hindi aniya magagawa agad ito ng PhilHealth, makakaapekto ito sa stability o katatagan ng health care system ng bansa.

“Dapat ma-settle on time [ang mga financial obligations] in accordance with our regulations. Huwag natin hayaan na maapektuhan ang operasyon ng mga ospital dahil sa kakulangan ng pondo,” giit ni Go, chair ng Senate health committee.

Nauna nang hinikayat ng senador ang PhilHealth ang paigtingin ang kanilang pagtugon sa pandemya sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinalawak na proteksiyon laban sa medical cost, partikular sa mga pamilyang kapos sa pinansiyal ngayong pandemya.

“Gaya po ng parating sinasabi ko sa inyo, ipaglalaban ko na patuloy ma-implementa ang Universal Health Care Law at maisaayos ang operasyon ng PhilHealth,” ayon kay Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?