42

Feb 26, 2021 @ 19:51
By

Pagbabawal sa ‘sangla ATM’ inusisa sa Kamara

Nagsagawa ng pagdinig ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries kaugnay ng pagsasangla ng ATM ng mga guro at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nais ng komite na makabuo ng panukalang batas upang maiwasan ang pagsasangla ng mga ATM na kalimitan ay pinapatawan ng malaking interes.

Suportado ng Department of Education (DepEd) ang House Bill 7966 na naglalayong ipagbawal ang sangla ATM scheme.

Inamin ni DepEd Assistant Sec. Ramon Abcede na mayroong mga guro sa pampublikong paaralan na nagsasangla ng kanilang ATM kaya nagpalabas ang ahensya ng memorandum laban dito.

“This bill will actually give as a legal cover so that we can avoid this ATM pawning scheme which is really disadvantageous to the borrowers (teachers),” ani Abcede.

Dahil nakasangla ang ATM, maaari umanong hindi napakinabangan ng mga guro ang loan relief o hindi pagkaltas ng kanilang binabayarang utang sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.

Ayon kay Abcede, napansin ng ahensya ang scheme na ito dahil sa lumalaking bilang ng mga guro na humihiling na magpalit ng ATM card.

Posible umano na ayaw nang ibalik ng napagsanglaan ang ATM o ayaw na ng guro na bayaran ang utang kaya hinihiling nito na palitan ang kanyang ATM card.

Sinabi naman ni Wayne Belizar, direktor ng Finance and Management Service ng Department of Social Welfare and Development, na ipinagbabawal ng ahensya sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang pagsasangla ng ATM o cash card kung saan pumapasok ang tulong pinansyal ng gobyerno.

Kapag natukoy umano ang benepisyaryo na nagsangla ng cash card ay pinapadalhan nila ito ng babala. Kung tatlong beses uulit, ang benepisyaryo ay aalisin na sa listahan ng 4Ps.

Sa ilalim ng panukala, ang mga tatanggap ng sanglang ATM ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon at multang hanggang P100,000.

Ayon kay Lyn Javier, managing director ng Policy and Specialized Supervision ng Bangko Sentral ng Pilipinas, kadalasan na lugi ang mga nagsasangla ng ATM dahil mas malaki ang sinisingil na tubo sa mga ito kumpara sa pinapayagang ipataw ng mga bangko.

Sa isang survey na isinagawa ng BSP noong 2014, sinabi ni Javier na 39.9 porsiyento ng 18,000 respondents ang nagsabi na naranasan na nilang magsangla ng ATM.

Sinabi naman ni Bankers Association of the Philippines Managing Director Benjamin Castillo, maaaring pagbawalan na makapagbukas ng account ang isang mahuhuling nagsangla ng ATM.

Ayon naman sa chairperson ng komite na si Quirino Rep. Junie Cua bago aprubahan ang panukala dapat ay matukoy kung bakit mas gusto ng mga guro o benepisyaryo na isangla ang kanilang ATM sa halip na mangutang sa mga legal na institusyon.

“Iniisip ko lang kasi, yung mga teachers they are educated… They realized the peril. They also understand that it can be abused, puwede silang maloko. Pero they take the risk so talagang yung need is so serious para i-take yung mga ganoong risk,” ani Cua.

Sinabi ni Abcede na kalimitan na ang mga guro na nagsasangla ng ATM ay yung mga nasa P5,000 na lamang ang natitira sa buwanang sahod.

Ayon sa kanya hindi maaaring bumaba sa P5,000 ang matitirang sahod ng isang guro alinsunod sa batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?