26

Aug 25, 2021 @ 13:02
By

Pagbabawal sa ‘di bakunado sa mall, resto tinutulan

Mas mabuting ipagpaliban muna hangga’t hindi pa nagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna laban sa COVID-19 ang panukala na gawing limitado lamang sa mga fully vaccinated ang pagpasok sa mga malls at restaurants ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Sa ngayon mahirap gawin ‘yan dahil hindi sapat ang supply ng vaccines natin. Marami na ang gustong magpabakuna pero ang problema naman ay kulang ang supply,” paliwanag ni Gatchalian.

“Until such time na marami na ang bakuna at mayroon pa ring mga taong ayaw magpabakuna, siguro maaari na nating pag-isipan ang panukalang ‘yan para maengganyo natin ang lahat na maging bakunado,” dagdag nito.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang Valenzuela City kung saan umabot na sa 300,000 ang backlog ng mga hindi pa bakunado. Kahit na aniya nasa 52% na ng target population ang nabigyan na ng first dose, nasa 34% pa lamang ang nakakumpleto ng bakuna o nakakuha na ng second dose.

“Hindi sa ayaw ng mga taong magpabakuna, walang bakuna na makuha at maraming local government units (LGUs) na humihingi pa ng bakuna. Marami akong kausap na mga LGUs sa probinsya na namomroblema sa supply ng bakuna. Kulang na kulang pa talaga,” ayon sa mambabatas.

Sa kabuuan ng National Capital Region (NCR), sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na nasa 43.5% na noong Agosto 22, 2021 ng target na mabakunahan o umabot sa 4,262,546 ng mga residente sa Kalakhang Maynila ang fully vaccinated na.

Nasa 75% naman ng kabuuang bilang ng planong mabakunahan sa NCR ang nakatanggap na ng first dose o paunang bakuna at maaaring umabot sa kalahati o 50% ang full vaccination ng target population dito sa katapusan ng buwan, ayon pa rin kay Abalos.

May ilang grupo ng negosyante ang nagsabing suportado nila ang panukalang naglilimita sa mga bakunado o fully vaccinated na makapasok sa mga restaurants, malls, at ibang commercial establishments sa NCR para makalikha ng “safer bubbles” na maaaring makapag-control sa paglaganap ng mas nakahahawang COVID-19 variants.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?