8

Sep 14, 2021 @ 14:10
By

Pagbabakuna sasagarin ‘pag dumami supply – Duterte

Pinag-aaralan na ng gobyerno ang posibilidad na bakunahan na rin ang general adult population sa susunod na buwan kung mayroong sapat na supply ng bakuna.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na sa sandaling matiyak ang sapat na supply ng bakuna ay maaari nang magpabakuna ng kahit sino.

“We are studying the possibility of vaccinating the general adult population as early as October if there is a stable vaccine supply. Kung meron ng madagdag at kung kaya na ma-absorb ng gobyerno lahat ng tao na mapabakunahan, maski sino, general public, pumunta ka na doon at magpaturok kung hindi ka pa naturukan ng vaccine,” anang Pangulo.

Pero nais ni Pangulong Duterte na ang dapat unahin ay ang mga mahihirap na mamamayan lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa.

Marami aniyang mahihirap na naghihintay para mabakunahan kaya ito ang dapat na unahin sa sandaling buksan na ang vaccination sa general adult population.

“Always we have to keep equity in mind na dapat unahin na natin ang walang wala at mga mahirap. Yung mga iba, in the far flung areas of the country outside of Metro Manila, there are a lot of Filipinos waiting to be vaccinated,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na maraming mga Pilipinong nakatira sa mga malalayong lugar ang tiyak na hindi pa nababakunahan lalo na yaong mga walang kakayanang gumastos ng pamasahe para makarating sa kabihasnan kaya ito ang dapat aniyang unahin.

“I would suggest that unahin muna ninyo yung mga mahihirap, those who cannot really afford to be travelling back and forth. It would be nice of government to go to their places. Alam naman natin yung blighted areas eh, many of those ayaw or needs to be convinced that there is a vaccine available and it is good for them,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?