89

Nov 4, 2017 @ 17:54

Pagbaba ng PHL sa WB ranking, isinisi sa bureaucracy

Naniniwala ang dalawang senador na ang mahirap, mabagal at matagal na proseso sa pagtatayo ng mga negosyo ang nagpapabagsak sa ranking ng Pilipinas sa World Bank hinggil sa pagnenegosyo sa bansa.

Sa Doing Business 2018 report ng World Bank, bumagsak sa 113th na pwesto ang Pilipinas mula sa 99th place sa 190 na bansa kaugnay sa “ease of doing business”.

Ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian, habang ang mga kalapit bansa natin ay matagal nang gumagamit ng Information Technology sa pagkuha ng mga kinakailangan permit sa pagtatayo ng negosyo, sa Pilipinas ay nananatiling mano-mano ang sistema.

“Marami sa ibang bansa ang gumagamit na ng Information Technology sa pag-apply di tulad dito sa atin mano mano. Hindi bibilis ang buhay kung pipila ka pa, kung mahaba ang pila kakausap ka pa ng fixer kaya ang solution dito ay gamitin na natin ang Information Technology,” saad ni Gatchalian.

Hindi rin naniniwala ang senador na dahil sa extra judicial killings at war on drugs, marami ang nagdadalawang isip na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

“Ang totoo po marami hindi pumapasok sa atin dahil mahirap magsimula, nakita nila 30 days bago makuha ang permit almost 28 offices ang pupuntahan, hindi ho talaga ma-eengganyo na pumasok sa atin kaya marami sa foreign investors ang ayaw pumasok sa ating bansa,” dagdag ng Senador.

Sinabi naman ni Senador Cynthia Villar na malaki talaga ang negatibong epekto ng bureaucracy sa paghikayat sa mga negosyante na pumasok sa Pilipinas.

“I think its the government bureaucracy. They make it hard in doing business. Marami silang pautot. Tayo nga kahit tayo Senador, biktima rin tayo ng bureaucracy,” saad naman ni Villar. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?