31

Nov 22, 2021 @ 14:04
By

Pagbaba ng NCR sa Alert Level 1 inawat ng isang grupo

Tutol ang isang grupo mula sa University of the Philippines (UP) na ibaba ang Alert Level sa Metro Manila ngayong Disyembre dahil hindi pa nakakasiguro ng ganap na kaligtasan laban sa COVID-19.

Sinabi ni Dr. Jomar Rabajante, spokesperson ng UP Pandemic Response Team, na kung maaari ay sa Enero 2022 na ibaba ang alert level dahil baka muling sumirit ang COVID cases dahil sa mga inaasahang mga holiday activity.

“Ang tingin po namin dito, baka kailangang hintayin nating matapos ang holidays, baka puwedeng i-consider ito sa January kasi noong September lang tayo nagkaroon ng peak. Sana magdahan-dahan tayo kasi there are possibilities na magkaroon tayo ng super-spreading events,” ani Dr. Rabajante.

Posible aniyang hindi katulad ng mataas na kaso noong September sakaling muling magkaroon ng COVID surge pero mas mainam na ligtas ang mga taga-Metro Manila.

Sinabi ni Dr. Rabajante na bagamat marami na ang nabakunahan sa National Capital Region, hindi naman nakakasiguradong lahat ng mga pumapasok sa Metro Manila mula sa kalapit na mga lalawigan ay kumpleto na sa bakuna.

“Although from our projections, hindi naman tayo magkakaroon ng malaking surge katulad nung September kasi marami ng bakunado sa Metro Manila. Kaya lang, open ang borders natin sa Region 3, 4 at karatig regions kung saan mababa pa ang vaccination coverage nila,” dagdag ni Dr. Rabajante.

Mahalaga aniyang magdahan-dahan ang mga tao dahil kahit nasa alert level 2 pa ngayon sa NCR ay marami na silang naoobserbahan na hindi sumusunod sa basic health protocols.

“Pag naglabasan ang mga tao ang assumption sa alert level 1 ay mayroon tayong minimum public health standards. Ngayon pa lamang alert level 2 tayo marami tayong nakikitang lumalabas hindi sumusunod eh, kaya sana dahan-dahan ang ating pag-open up,” wika ni Dr. Rabajante.

Nababawasan na aniya ang bilang ng mga nasa intensive care units ng mga hospital subalit marami pa ring naoospital dahil hindi pa naman nawala ang problema sa COVID-19. (Aileen Taliping)

Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?