119

Apr 25, 2019 @ 13:50
By

Pagbaba ng mga gutom na Pinoy, ikinalugod ng Malacañang

Masaya ang Malacañang sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan bumaba sa 9.5% ang bilang ng mga Pilipinong nakakaranas ng kagutuman sa unang bahagi ng 2019.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maganda ang umpisa ng taon dahil naramdaman na ang bunga ng pagsisikap ng Duterte administration para sa mga Pilipino.

Resulta aniya ito ng tapat na pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte na masolusyonan ang pagtaas ng presyo ng mga mga bilihin at pabilisin ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga mahihirap na mamamayan.

“We wish to point out that hunger incidence declined in Metro Manila to 6.6% from 18.3% last December 2018 to 11.7% last month. The polling firm SWS said this is the first in four consecutive quarters that there was a decrease in Metro Manila’s hunger incidence,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na kahit maraming Pilipino pa rin ang nananatiling mahirap, nagpapatuloy aniya ang pagsisikap ng Presidente na paunlarin ang socio-economic status ng mga Pilipino para sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga ito.

Kabilang sa mga resulta ng political will ng Pangulo para sa mga Pilipino ay ang mga ipinatutupad na pro-poor program sa ngayon gaya ng libreng edukasyon sa state colleges and universities, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, school feeding program sa mga pampublikong paaralan, universal health care at iba pa.

Sinabi pa ng kalihim na marami nang nagawa ang Presidente sa loob ng tatlong taon at asahang mas marami pa ang mapapakinabangan ng mga Filipino sa nalalabing tatlong taong termino nito dahil sa pagiging maawain at workaholic nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?