102

Oct 2, 2017 @ 14:16

Pagbaba ng krimen sa Maynila, ipinagyabang ni Erap

Ipinagmalaki ngayon ni Manila Mayor Joseph Estrada na bumaba ang antas ng krimen sa lungsod ng 38 porsyento ngayong taon dahil sa patuloy na pagtaas ng kakayahan ng Manila Police District (MPD) sa pagresolba sa krimen.

Ayon kay Estrada, ang tagumpay ng MPD ay bunga ng maayos na pamumuno ng district director nito na si Chief Supt. Joel Coronel, na nangunguna ngayon sa imbestigasyon sa pagkamatay sa hazing ng UST law freshman na si Horatio Castillo lll.

“I have always believed in our city police’s competence and dedication to protect our city from crimes and terror threats, slowly but surely, we are making significant and considerable gains and improvements in the peace and order situation of our beloved city,” dagdag ni Estrada.

Sa ulat ni Coronel, bumaba ng 38.7 percent ang index crimes sa lungsod sa nakaraang 12 buwan – mula sa 5,474 kaso noong 2016 at 3,393 kaso ngayong 2017.

Ani Estrada, mataas ang ibinaba ng mga street crimes tulad ng armed robbery, holdap, at snatching.

Samantala, tumaas naman ang crime solution efficiency ng MPD mula 58.8 percent noong 2016 sa 67.5 percent ngayong taon, na nangangahulugan na anim hanggang pito sa bawat 10 kaso ng krimen ang matagumpay na nareresolba nito.

Mula 2014 hanggang 2015 ay umaabot lang sa 38.05 percent ang crime solution efficiency ng MPD at 24.55 percent lang mula 2013 hanggang 2014, ayon pa kay Estrada.

Dahil dito kung bakit hindi aniya nakapagtataka sa pagkakapili sa MPD bilang Best Police District sa Metro Manila ngayong taon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Dahil sa panibagong tagumpay na ito ng MPD, pinangako ni Estrada na tuluy-tuloy pa rin ang suportang matatanggap ng MPD mula sa pamahalaang lungsod.

Nitong Marso lang ay bumili si Estrada ng P20-milyong halaga ng mga bagong baril upang palakasin pa ang MPD sa paglaban sa mga kriminal at terorista. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?