89

Dec 16, 2017 @ 14:33
By

Pagara, Okada mag-uupakan sa WBO junior welterweight

May pagkakataong mapasigla ni Jason Pagara ang lumalamyang karera niya sa propesyunal na boksing sa pakikipaggulpihan sa wala pang talo’t nakaranggo sa mundong si Hiroki Okada ng Japan sa buwang ito.

Pagrarambulan nila ang bakanteng titulo ng World Boxing Organization Asia-Pacific junior welterweight division sa Korakuen Hall sa Tokyo sa darating na Martes, Disyembre 19.

Patay o buhay ang laban para sa Pinoy boxer na nasa ilalim ng kuwadrang Antonio L. Aldeguer Promotions sa Cebu at may ring record na 40-2-1 win-loss-draw. Ang 25 sa panalo niya’y knockouts.

Humulagpos sa kamay ng 29-anyos at tubong Maasin City ang pag-asang magkaroon ng malalaking laban agad sa Estados Unidos dahil sa pagkatengga ng halos isang taon at sa hindi impresibo ang huling laban noong Setyembre.

Kinukursunada na siya ni Robert ‘Bob’ Arum ng Top Rank Promotions na ikuha ng laban sa Tate, pero naudlot bunsod na rin ng split draw na naiposte lang kay James Onyango ng Kenya sa kabila na maaga niyang dalawang ulit na napabagsak ito.

“Pipilitin kong manalo kay Okada. Ipapanalangin ko sa Diyos at ipakikita ko sa lahat na kaya ko pa ring mag-world champion,” ani Pagara, batid na kapag nabigo sa Hapones ay maaaring matapos na ang career.

Malaking tulong naman kapag nanalo siya sa Japanese, may 16-0 na may 11 KOs, lalo’t nakalistang kontender ito na No. 9 sa WBO, No. 7 sa World Boxing Association at No. 11 sa World Boxing Council.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?