mr-trabaho-joel-villanueva
By

Pagaanin ang buhay ng ating mga guro

Sharing is caring!

Bukambibig po ng ilang guro sa public school na marami raw sa kanila ang “taga-London”. Ito po’y balbal na salitang nangangahulugang, “loan dito, loan doon”. Bagamat biru-biruan, may katotohanan po ito.

Noong isang taon, natuklasan po ng DepEd na umaabot sa P300-bilyon ang kabuuang pagkakautang ng mga public school teachers sa parehong public at private lending institutions.

Ito po ay “over-borrowing” at malaking suliranin sa estadong pinansyal ng ating kaguruan. Ang labis na pangungutang ang dahilan kung bakit napakaliit ng take-home pay ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Dahil dito, nagpalabas po ang DepEd ng Department Order No. 5, series of 2018, na nag-uutos na hindi dapat bumaba sa P5,000 ang net take home pay (NTHP) ng mga guro alinsunod sa ipinasa nating batas sa Kongreso, ang Republic Act 10964 o ang 2018 General Appropriations Act.

Ayon sa reglamento, hindi na maaaring ibawas ang anumang pagkakautang ng isang guro sa kanyang sweldo kung magiging dahilan ito ng pagbaba ng kanyang NTHP threshold. Nakasaad din na dapat unahin ang kaltas ng BIR, Philhealth at GSIS at saka pa lamang ang kaltas ng mga lending institutions.

Bagamat sang-ayon po tayo na dapat kilalanin ng sinuman ang kanyang mga pinansyal na obligasyon, suportado naman po natin ang panawagang itaas ang sweldo sa sektor ng edukasyon. Kung sapat ang sahod, masosolusyunan ang kultura ng over-borrowing ng mga guro.

Nakikita rin po nating solusyon ang financial literacy program upang matulungan ang mga guro sa tamang paggamit ng pera at nang matutunan nila ang mga bagong paraan ng pagpapalago ng kita. Kaugnay nito, isinusulong po natin sa Senado ang SB 210 o ang Financial Literacy for Workers Act.

Sa kabilang banda, batid po natin na talagang mahirap ang trabaho ng mga mahal nating guro. Dahil sa stress, nasasakripisyo ang kanilang kalusugan. Karamihan sa mga public school teachers, naglilingkod nang mahigit 40 taon kung nagsimula silang magturo sa edad 20 hanggang sumapit sa edad na 65 – ang mandatory retirement age.

Ito po ang dahilan kung bakit isinusulong din natin ang Senate Bill 1222 upang mapababa ang mandatory retirement age ng mga public school teachers. Naniniwala po tayong dapat gawing 60 sa halip na 65 ang compulsary retirement age at mula 60 mapababa sa 55 ang optional retirement age ng mga guro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?