24

Oct 14, 2020 @ 13:15

‘Pag walang 13th month pay, Xmas season babagsak – Concepcion

Tutol si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa naunang mungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipagpaliban ang pamimigay ng 13th month pay ng mga kumpanyang matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng kalihim na babagsak ang holiday season kung hindi magbibigay ang mga kumpanya ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.

Wala aniyang gagastusin ang mga tao sa kapaskuhan at wala ring kikitain ang mga negosyo kaya mahalagang ibigay kung ano ang nararapat para sa mga manggagawa.

“Kung walang 13th pay at maraming hindi magbibigay,babagsak yung Christmas natin. Walang pera yung tao para maggastos sa Christmas. So importante rin yung 13th month pay. Anong gagastusin nila pang-Christmas?,” ani Concepcion.

Naniniwala ang opisyal na hindi lahat ng pribadong kumpanya ay nalugi dahil sa COVID pandemic at yung iba ay mayroon pa ring kakayahang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga tao.

Bukod dito, sinabi ni Concepcion na nasa batas paggawa ang pagbibigay ng 13th month pay kaya dapat lamang na sundin ito.

“Yung mga negosyo na bukas pa and have some resources, then they should pay the 13th month pay. Kailangan tingnan natin yan no. I don’t believe that everybody should not pay the 13th month pay. I think that’s by law na hindi puwede, kailangan magbayad ng 13th month pay,” dagdag ni Concepcion.

Kung wala aniyang 13th month pay ay walang magagastos ang mga tao at tiyak na lalong mahihirapan ang mga negosyo kaya kailangan may balanse sa pagitan ng mga manggagawa at mga pribadong kumpanya.

“Yung 13th month pay, ‘yun ang magbibigay ng mas maraming way para gumastos ang mga tao. Karamihan ng mga negosyo maski may konting lugi pero cash flow passive,” wika ni Concepcion.

Binigyang-diin ng opisyal na mahalaga ang pasko para sa mga Pilipino dahil ito lamang ang panahon at pagkakataon na makapagdiwang ang mamamayan kasama ang kanilang pamilya.

Samantala, matapos makipag-usap sa mga labor group at employer ay sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na posibleng pakiusapan niya at ni Trade Secretary Ramon Lopez si Finance Secretary Carlos Dominguez III upang saluhin na ng gobyerno ang 13th month pay ng mga empleyado.

(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?