82

By

Pag-upo ng bata sa harap ng sasakyan, ipagbabawal na

Sharing is caring!

Ipapahinto na ang pagpapaupo ng mga batang nasa edad 12 pababa sa harap ng sasakyan, pribado man o pampubliko.

Batay ito sa Senate Bill No. 1971 o panukalang Special Protection of Child Passengers in Motor Vehicles Act na inaprubahan na ng Senado.

Ayon kay Senador JV Ejercito, nag-akda at nagtanggol sa panukala, para ito sa kaligtasan ng mga bata mula sa disgrasya kapag naaksidente ang sinasakyan.

Sa ilalim ng panukala, maari lang maupo sa harap ang bata kung 56 pulgada ang taas o higit sa apat at kalahating talampakan ang taas.

Kapag pinaupo ang bata sa likuran ng sasakyan, kailangang may ‘restraint system’ gaya ng seatbelt at car seat na angkop sa taas at bigat ng bata batay sa safety standards na itatakda ng Department of Trade and Industry (DTI).

Bukod dito, ipagbabawal din na iwan ang mga bata sa loob ng nakaparadang sasakyan.

Leksyon ito ng viral video noong Hulyo kung saan nakita na ilang oras na iniwanan ng mga magulang ang dalawang taong gulang na anak na lalaki sa loob ng ipinarada nilang kotse sa Metrowalk, siyang commercial district sa Pasig City.

Kapag naisabatas, pagmumultahin ng P1,000 ang lalabag sa unang beses, P2,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag kasama ang isang taong suspensyon ng lisensya.

Nagpatibay na rin ng katulad na panukalang batas ang Kamara noong Pebrero kaya tiya na umano itong maisasabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?