182

Jul 22, 2021 @ 18:15
By

‘Pag tumakbong VP: Duterte ‘di kailangan magresign – Roque

Hindi maidedeklarang bakante ang pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magdesisyon itong tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng pahiging ng pangulo na baka tumakbo ito sa susunod na eleksyon para sa pagka-pangalawang pangulo.

Ayon kay Roque, wala siyang alam na panuntunan o batas na kailangang magbitiw sa puwesto ang presidente kapag kumandidato ito sa darating na eleksyon.

“Wala po akong alam na rule na kinakailangang magbitiw sa puwesto kapag presidente ang tatakbo for vice president,” ani Roque.

Wala rin aniyang polisiya na kailangang magbitiw ang pangalawang pangulo kung nais nitong tumakbo sa pagka-pangulo.

“Wala rin po akong alam na ganyang rule na kapag nag-file ang vice president for presidency kinakailangan magbitiw siya, wala rin pong ganoon,” dagdag ni Roque.

Matatandaang inihayag noon ni Roque bago ang midterm elections noong 2018 na maikokonsiderang resigned sa kanilang pwesto ang mga opisyal ng gobyerno kapag nagsumite na ang mga ito ng kanilang certificate of candidacy sa Commission on Elections.

“Lahat ng magsusumite ng kanilang kandidatura will be deemed resigned from their post,” ani Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?