3

Aug 5, 2020 @ 18:51
By

Pag-regulate sa social media, labag sa freedom of speech – Lorenzana

Hindi pabor si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana sa pag-regulate sa social media sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL).

Aniya, wala sa mandato ng ATL ang pag-regulate sa socmed at lalabag ito sa karapatan ng malayang pamamahayag.

“No, the ATL should not regulate social media. It is not part of its mandate and it would violate freedom of speech and discourse,” ani Lorenzana.

Reaksyon ito ng Defense chief matapos sabihin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na imumungkahi niyang maisama sa implementing rules and regulations ng ATL ang pag-regulate sa social media na nagagamit umano ng mga terorista.

Ani Lorenzana, natanong niya si Gapay tungkol sa isyu dahil maging siya ay nagulat sa pahayag ng huli.

Sinabi raw sa kanya ng bagong AFP chief na ang ibig sabihin ng kanyang pahayag ay ang mga darknet, clandestine network na nagbebenta ng droga, tao, baril at pampasabog, nagha-hire ng mga assassin at iba pang iligal na aktibidad.

Pero para kay Lorenzana, mahirap i-regulate ang ganoong bahagi ng internet dahil nag-o-operate ang mga iyon nang pailalim at iligal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?