114
Pag-operate ng energy firm, pinigil ng Mandaluyong court
Mar 13, 2019 @ 15:46
By

Pag-operate ng energy firm, pinigil ng Mandaluyong court

Pinigil ng korte sa Mandaluyong City ang pag-take over ng MORE Electric Power Corporation ng business tycoon na si Enrique Razon sa operasyon ng Panay Electric Company Inc. (PECO) sa Iloilo City.

Sa limang pahinang kautusan na inisyu ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) Branch 209, nagpalabas ito ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng prangkisa ng MORE sa ilalim ng Republic Act No. 11212 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong nakalipas na buwan.

Partikular na pinigil ng TRO ang pagsisimula ng expropriation proceedings laban sa PECO at ang pagtake over ng MORE sa distribution assets ng PECO sa franchise area.

Pinigil din ng kautusan ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission sa pag-iisyu ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN), provisional authority to operate o alinmang permit o lisensya para sa operasyon ng MORE.

Kumbinsido kasi ang korte na kapag ipinatupad ang ilang probisyon ng RA 11212, masasagkaan ang karapatan sa equal protection at due process ng PECO.

“After careful consideration of the parties’ submissions, the court finds the application for TRO to be impressed with merit. Petitioner PECO was able to establish that the implementation or enforcement of Sections 10 and 17 of RA 11212 will materially and substantially invade its rights to equal protection under the law, due process, and against unlawful taking of property, since respondent MORE, by invoking Sections 10 and 17 of RA 11212, can easily take away, under the guise of eminent domain, petitioner PECO’s distribution assets,” saad ng kautusan na pirmado ni Judge Monique Quisumbing-Ignacio.

Tatagal ang TRO sa loob ng 20 araw.

Kasabay nito, inatasan ng korte ang PECO na magbayad ng P5 million na halaga ng bond.

Nagtakda rin ang hukuman ng pagdinig sa April 2, 2019 para sa plea for issuance of writ of preliminary injunction na hiling ng PECO.

Sa petisyon ng PECO, kinuwestiyon nito ang constitutionality ng prangkisa ng MORE.

Nalabag daw kasi ang kanilang karapatan sa due process nang ilipat sa MORE ang kanilang prangkisa nang hindi man lang hinihingi ang kanilang panig.

Ito raw ay maituturing na pag-take over ng gobyerno sa kanilang asset para paburan ang isang pribadong kumpanya at hindi para sa interes ng publiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?