228

Dec 2, 2017 @ 17:53
By

Pag-obliga sa estudyante sa rally, child abuse ‘yan – Roque

Dapat imbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang ulat na ilang private at religious schools ang gumagamit ng kanilang mga estudyante para dumalo sa rally.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na labag sa batas at labag sa karapatang pantao ng mga bata na gamitin ang mga ito sa ano mang usaping pampulitika.

Isa aniya itong uri ng child abuse kaya’t dapat na kumilos ang DepEd at alamin ang mga private schools at religious schools na nag-oobliga sa kanilang mga estudyante na dumalo sa mga kilos-protesta.

Kung mayroon mang mga estudyanteng boluntaryong sumasama sa mga rally, kailangan pa rin itong tingnan ng DepEd.

“Iyan po ay labag sa karapatan ng mga kabataan. Hindi po dapat na ginagamit ng ganyan ang mga kabataan pero posible ring ilan sa kanila ay kusang pumunta. Magkagayonman, kailangan pa ring maimbestigahan ‘yan ng DepEd na may supervision sa lahat ng grade school at high school, that’s a form of child abuse,” ang pahayag ni Roque.

Matatandaang sa mga anti-Duterte rallies ay may mga bitbit ang organizers na mga kabataan at estudyante mula sa religious schools at mayroon ding kuhang larawan si Senadora Riza Hontiveros na kumalat sa social media na nakaakbay pa sa isang estudyante habang nasa isang kilos-protesta.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?