160

Mar 15, 2020 @ 15:31
By

‘Pag negatibo sa COVID-19: Gatchalian tigil na sa self-quarantine

Tatapusin na ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang self-quarantine kapag lumabas sa resulta na negatibo ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Tatapusin ko lang ito (self-quarantine) hanggang March 19. Pero nagpa-test na rin tayo last Friday,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa dzBB.

“Kung malalamang negatibo yung ating resulta, pwede na nating ihinto itong self-quarantine natin,” dagdag pa nito.

Nag-self quarantine ang senador tapos magkaroon ng kontak sa isang resource person sa Senado na nag-positibo sa COVID-19 noong Marso 5.

Ayon sa senador, bagama’t naka-self quarantine siya sa loob ng 14 araw, wala naman siyang sakit at hindi nakakaramdam ng anumang sintomas ng COVID-19.

“Wala naman akong sakit ano, at wala rin tayong nararamdaman, at ito ay ikaapat nating araw ko ng self-quarantine at wala naman tayong nararamdaman,” sabi ni Gatchalian.

“Tayo sumusunod lang sa protocol sa patakaran na inilahad ng DOH na kung merong exposure sa may ganitong sakit sa COVID-19 eh automatic na dapat mag 14-day quarantine tayo sa loob ng ating bahay.

So sumusunod tayo sa patakaran ng ating pamahalaan para hindi din tayo makahawa ng iba,” dagdag nito.

Bukod kay Gatchalian, ang pito pang senador na sumailalim sa self-quarantine ay sina Senador Nancy Binay, Sonny Angara, Bong Go, Panfilo Lacson, Juan Miguel Zubiri, Imee Marcos, at Ramon Bong Revilla Jr.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?