161

Jul 15, 2019 @ 11:37
By

‘Pag naging inutil ako, paalisin niyo ko sa pwesto! – Duterte

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sambayanan na paalisin siya sa puwesto kung magiging inutil siya sa huling tatlong taon ng kanyang termino.

Sinabi ng Pangulo na mas mainam na ang taongbayan ang magpaalis sa puwesto kung sa tingin nila ay wala na siyang maitutulong sa kapwa at hindi na napapakinabangan ng mga Pilipino.

Hindi aniya nito maatim na pinapakain siya ng taong bayan sa Malacañang subalit sa bandang huli ay walang maaasahang tulong mula sa kanya ang mamamayan.

“Alam mo, sa totoo lang, kung three years ko hindi ako makatulong, paalisin nyo ako. Kung Presidente inutil, wala rin akong — wala na rin akong maitulong sa kapwa ko,” anang Pangulo.

Sa mga nakalipas na talumpati ni Duterte ay hinamon niya rin ang militar na kung inaakalang ayaw na sa kanya ay diretsahin lang ito at hindi na kailangan pang mag-kudeta.

Sinabi pa ng Presidente na handa niyang ibigay sa militar ang pamamahala sa gobyerno kung sa tingin nila ay hindi na siya epektibo sa kanyang pangangasiwa sa gobyerno.(aileen taliping)#

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?