27

Oct 7, 2021 @ 12:13
By

Pag kumampanya: Duterte ilalabas baho ni Dick

Desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na mangampanya laban kay Senador Dick Gordon para hindi na ito makabalik sa senado o sa alinmang puwesto sa gobyerno.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na isang isyu lamang ang ibabanat niya laban kay Gordon at tiyak na hindi na iboboto ito ng mga tao.

Binanggit ng Pangulo ang P86 million na ipinasasauli ng Korte Suprema kay Gordon mula sa pondo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na dispalko umano ng senador.

“Hindi ka mananalo,eh. So wala ka ng protection, sabi ko sa ‘yo kakampanya ako laban sa iyo. Eh magnanakaw ka eh. Isang issue ko lang sa iyo, P86 million na nanakaw mo. Eh kung sabihin mo na wala sa yo, eh d nasaan? Eh di ninakaw mo,” anang Pangulo.

Mayroon na aniyang desisyon ang Korte Suprema na ipinasasauli ang nawawalang pera kaya dapat bayaran na ni Gordon ang nawalang pera sa pondo ng SBMA.

“Sinabi ng Supreme Court bayaran mo. And that order of the Supreme Court is final and executory. Bakit hindi mo bayaran? Bayaran mo yan kasi ninakaw mo,” dagdag ng Pangulo.

Kailangan aniya ng gobyerno ang nabanggit na pera dahil gagamiting pambili ng bakuna at titigil lamang ito kapag nabayaran na ni Gordon ang P86 million.

Inudyukan ni Pangulong Duterte ang publiko na pagsapit ng panahon ng kampanya bago magsalita si Gordon ay isigaw ang “bayaran mo! bayaran mo!” na ang pinatutungkulan ay ang P86 million pesos na sinisingil sa kanya ng gobyerno. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?