139

Feb 22, 2020 @ 13:37
By

Pag-import ng sibuyas, tigil na – DA

Pinayuhan ang mga magsasaka ng sibuyas sa Nueva Ecija na huwag mangamba na may darating pang imported na sibuyas dahil natapos na ang pinayagang pag-aangkat ng Department of Agriculture (DA).

Ito ang pahayag ni Mayor Allan Xystus Gamilla makaraang makausap noong nakaraang Lunes si Agriculture Sec. William Dar sa tanggapan ng huli.

Dinala umano ni Mayor Gamilla sa DA ang Kapasyahan Bilang 10-S-2020 ng Sangguniang Bayan ng Bongabon na pinagtibay noong Enero 27, 2020 na hinihiling kay Sec. Dar na itigil ang “onion importation” hanggang sa buwan ng Mayo, dahil anihan na sa bayan na tinaguriang “Onion Capital of the Philippines”.

Naging positibo umano ang sagot ni Sec. Dar na nagsabing umabot sa mahigit 100 import permits ang inisyu noong Enero sa pinuntiryang angkating 35,000 metriko toneladang red onions.

“Tiniyak ni Sec. Dar na hindi mare-recycle yung mga import permits at payo ko sa mga magsasaka hawakan lang nila mga aanihing sibuyas” payo pa ni Gamilla.

Umiiral umano sa kasalukuyan ang presyong P40 kada kilo sa pula at P21 naman sa puting sibuyas.

Sa talaan ng office of the provincial agriculturist ng Nueva Ecija aabot sa may 21,000 ang mga magsasaka ng sibuyas ang nagtanim umano sa mahigit 11,000 ekrarya na mga bukirin.

Nangunguna rito ang Bongabon na may mahigit 2,000 ektarya na inilalaan sa mga tanim na red shallot, yellow granex at red creole na sibuyas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?