148
ABANTE palasyo roque ml extension gobyerno
Mar 16, 2018 @ 18:17
By

Pag-iingay ni Trillanes sa Austria, walang epekto sa Palasyo – Roque

Hindi pinatulan ng Malacañang ang panibagong pagputak ni Senador Antonio Trillanes IV na dinala pa sa Vienna, Austria kaugnay sa isyu ng extra judicial killings sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hahayaan ng Palasyo ang publiko na humusga sa mga ginagawa ng senador laban sa Duterte administration.

Ayon kay Roque, basang-basa na ang papel ng senador sa mga Filipino at kung mayroong eleksiyon ngayon ay tiyak aniya na talo agad ang senador.

Hindi na nga aniya pinapansin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ginagawang paninira ni Trillanes dahil wala namang katuturan ito at malinaw na ang gusto lamang ay sirain ang kasalukuyang administrasyon.

“Alam mo, gaya ng sinabi ko, ang naghuhusga, publiko. Kung tatakbo ngayon iyang si Trillanes sa Senado, talo iyan. Hindi nga siya sigurado kung mananalo siya sa partylist na iyon ‘no. Matagal na nating sinasabi, kung ikaw ay hindi credible, ang husga ay masakit dahil hindi ka na paniniwalaan. So sino ba ang naniniwala ngayon kay Trillanes? Putak nang putak. Sino naniniwala? Kaya nga po halos hindi ko na pinapansin ang sinasabi niya kasi bakit ko kailangang sagutin ang mga sinasabi niya, wala naman naniniwala sa kaniya,” ani Roque.

Viral ngayon sa social media ang pagdalo ni Trillanes sa pulong ng Human Rights sa Vienna at ipinagwagwagan umano na nasa 20,000 ang biktima ng EJK sa bansa kaugnay sa drug war ng Duterte administration.

Pero harap-harapan itong kinontra ng isang Filipino sa pulong at isa-isang kinontra ang mga puntos na inilabas ng senador.

Idinagdag ni Roque na wala silang gagawing aksiyon sa muling-pag-iingay ni Trillanes sa labas ng bansa dahil wala namang pakialam ang mga dayuhan sa buhay ng mga Filipino.

“Wala po. Kasi sabi naman ni Presidente, ang kaniyang pananagutan ay sa sambayanang Filipino lamang. Wala naman siyang pakialam sa sambayanang dayuhan. Bahala sila sa mga buhay nila,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?