108

By

Pag-iimbestiga sa war on drugs ng UN, binasura ng Malacañang

Hindi tatanggapin ng gobyerno ng Pilipinas ang pinagbotohang resolusyon ng Iceland sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) para mag-imbestiga sa war on drugs sa bansa.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na minorya lamang ang sumang-ayon sa kagustuhan ng Iceland at hindi kagustuhan ng nakararaming miyembro ng council.

Bukod dito, hindi alam kung ano ang pinagbasehan sa resolusyon ng Iceland kaya maraming bansa ang hindi sumang-ayon at ang iba ay nag-abstain.

“Kung titingnan mo parang pinapalabas ng mga kritiko ni Pangulong Duterte, sinasabi nila aprubado ito ng United Nations. Minority lang ang sumang-ayon kaya nire-reject ng Pilipinas itong resolusyon na ito.

Hindi naman natin alam kung ano ‘yung pinagbasehan nung resolusyon kaya mas maraming bansa ang hindi sumang-ayon at nag-abstain,” ani Nograles.

May duda ang Malacañang na may kamay ang oposisyon at mga kritiko sa report na ginamit ng Iceland dahil halata umanong one-sided na posibleng galing sa polluted source.

Sa kabila nito, sinabi ni Nograles na hindi kakalas ang Pilipinas sa UNHRC at susunod sa responsibilidad bilang miyembro na proteksiyonan ang mamamayan.

“Mananatili pa rin tayong miyembro ng UNRHC at magtatrabaho tayo at sisiguraduhing hindi aabusuhin ng ilan lamang at nire-renew natin ang ating responsibilidad na proteksiyonan ang mga law abiding citizen ng bansa,” dagdag pa ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?