14

Jul 19, 2021 @ 20:03
By

Pag-iikot ng mga opisyal sa turukan, hindi pangangampanya – Palasyo

Kinontra ng Malacañang ang puna ng mga kritiko na ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno ang COVID-19 vaccination program para sa maagang pangangampanya sa darating na eleksiyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang batayan ang pahayag ng mga kritiko dahil kung mag-iikot man ang mga opisyal ay para i-promote ang vaccine confidence sa mga mamamayan at hindi para magpakilala.

Hindi aniya matatawag na premature campaigning ang pag-iikot dahil wala pa namang naghahain ng certificate of candidacy sa mga opisyal ng ehekutibo.

Pinuna ng grupong Kontra Daya ang pamumulitika umano sa vaccination program at hiniling sa Commission on Elections (Comelec) na tingnan ang anila’y maagang pangangampanya.

Sinabi ni Roque na walang hurisdiksiyon ang Comelec sa hirit ng Kontra Daya dahil hindi pa naman aniya campaign period.

“Ang pagkakaalam ko sa batas, kapag hindi pa campaign period ay wala pang hurisdiksiyon ang Comelec to implement our election laws,” ani Roque.

Wala aniyang merito ang hirit ng Kontra Daya dahil wala pa namang nagdedeklara ng kandidatura sa mga opisyal ng gobyerno, partikular sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangatuwiran din si Roque sa mga madalas na pag-iikot nito sa iba’t ibang lugar na aniya ay bilang tagapagsalita ng Pangulo ay tungkulin nitong i-promote ang pagpapabakuna para sa kaligtasan ng publiko laban sa COVID-19.

“I am spokesperson not just for the President but also for IATF and I consider my role as spokesperson to be very crucial in promoting vaccine confidence,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?