759

By

‘Pag hindi na kaya, bumaba na sa pwesto – Alejano kay Duterte

Binanatan ni Otso Diretso senatorial bet Gary Alejano si Pangulong Rodrigo Duterte na sinabing dapat na umano itong mag-resign kung sakaling hindi na kayang lutasin ang mga problemang kinakaharap ng bansa.

Saad ni Alejano sa kampanya ng oposisyon sa Tagbilaran, Bohol, dapat ay huwag umanong idamay ang mga Pilipino sa init ng ulo ng Pangulo ukol sa pagbabanta na magdedeklara umano ng revolutionary government at iparesto ang kanyang mga kritiko.

“Kung hindi na kaya ng Presidente ang maraming problema ng bansa na ‘di naman natin dine-demand na sagutin niya lahat, eh bumaba siya sa pwesto kung ‘di niya kaya, ‘wag nya tayo idamay lahat sa mainit niyang ulo,”ayon kay Alejano.

Saad pa ni Alejano, patuloy umano ang panlalansi ni Duterte sa isyung patungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pamilya sa iligal na droga.

“Dinadaan lamang sa pananakot at dina-divert yung attention ng taumbayan. Sagutin nila ng deretso ‘yan,” pakli pa ng Magdalo Representative.

Matatandaan na nadawit ang pangalan ng kanyang anak na si Paolo Duterte sa illegal drug trade dahil sa isang video, at naiulat pa ayon sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism na lumobo umano ang yaman ng kanilang pamilya mula 2007 patungong 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?