24

Aug 11, 2020 @ 8:25
By

‘Pag dumating na ang bakuna, Duterte unang tuturukan

Ituturok kay Pangulong Rodrigo Duterte ang unang bakuna na manggagaling sa Russia.

Ito ang tiniyak mismo ng Pangulo sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi matapos ang pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases sa Davao City.

Sinabi ng Pangulo na bibigyan ng Russia ang Pilipinas ng bakuna kontra COVID-19 at para walang alinlangan at kuwestiyon sa bakuna ay siya ang unang susubok nito sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa publiko.

“Ako pagdating ng bakuna in public, para walang satsat diyan. In public pagpa-injection ako. Ako yung maunang ma-eksperimentuhan. Okay para sa akin,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na masaya siya dahil nagsabi ang Russia na magbibigay sila ng bakuna laban sa COVID-19 at sa paniwala niya ay libre ito dahil walang sinabing babayaran ito ng gobyerno.

Nagpasalamat ang Pangulo kay Russian President Vladimir Putin at sa harap ng publiko ay pinirmahan nito ang sulat ng pasasalamat para sa Russian President.

“Maligayang-maligaya ako kasi ang Russia kaibigan natin. Hindi tayo kalaban, wala tayong away sa Russia. Ang ano nila is magbigay sila ng bakuna. Wala naman silang sinasabi ‘bayaran mo’,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mag-uusap sila ni Putin para sa supply na kailangan ng Pilipinas at gusto niyang makatiyak na mayroon ng clinical studies sa natuklasan nilang bakuna para matiyak na ligtas ito para sa mga Pilipino.

May tiwala aniya siya sa Russia at naniniwala ang Pangulo na ang natuklasan nilang bakuna ay maganda para sa tao kaya pagdating nit sa bansa ay siya ang unang magpapabakuna.

“Para ipakita ko sa kanila na nagtiwala ako at hindi sila nagkamali nag-offer, pagdating ng doktor nila o doktor natin, ako ang unang magpapabakuna. Tingnan natin kung puwede ba. Kung puwede sa akin, puwede sa lahat,” wika ng Pangulo.

Ang bakuna ng Russia, ayon sa Presidente, ay ilalabas na sa Setyembre o Oktubre at kapag kumpleto na ang clinical studies ay ilalarga na para sa kaligtasan ng mga tao laban sa bagsik ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?