9

Jun 8, 2021 @ 15:07
By

Pag-divert ng int’l flight sa Cebu patungong NAIA pinalawig

Pinalawig pa ng Malacañang hanggang June 12, 2021 ang pag-divert ng inbound international flights ng Mactan Cebu International Airport patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Manila.

Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng inilabas na memorandum ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

“Nagpalabas ang Office of the Executive Secretary ng isang memorandum na nag-e-extend ng diversion ng international flights bound for Mactan, Cebu International Airport sa Ninoy Aquino International Airport hanggang June 12, 2021,” ani Roque.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang extension sa flight diversion ay para maayos ang implementasyon ng IATF protocols sa Cebu na hindi umano sinusunod ng Cebu City government.

“Ito po para maayos yung pag-i-implement ng IATF arrival protocol sa Cebu,” dagdag ni Roque.

Inaasahan ng Malacañang na ipapatupad ng Cebu LGU ang testing at quarantine protocol ng national government, partikular ang mahigpit na facility-based quarantine at PCR test pagdating ng ikapitong araw.

Batay sa patakaran ng Cebu LGU, agad nilang isinasailalim sa COVID test ang mga biyaherong dumarating sa Cebu at istriktong home quarantine lamang dahil sa limitadong hotels na nagsisilbing isolation at home quarantine na malayo sa ipinatutupad na quarantine protocols ng IATF.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,