409

Dec 12, 2017 @ 13:07

Pag-ban sa mga sinehan, tinanggal na ng Saudi Arabia

Tiyak na matutuwa ang mga Pinoy worker sa Saudi Arabia matapos tanggalin ng gobyerno nito ang pagbabawal sa mga sinehan na ilang dekada nang naka-ban bilang parte ng liberation drive ni Prince Mohammed bin Salman.

Kilala sa pagiging konserbatibong bansa ang Muslim Kingdom.

Sinabi umano ng gobyerno ng Saudi na magsisimula na silang magbigay ng lisensiya sa mga sinehan sa lalong madaling panahon at isang movie theatre ang nakatakdang magbukas sa susunod na taon ng Marso.

Nais umano ng Kingdom na bumawi sa pagtuligsa kamakailan lang sa pagtapyas nila ng subsidiya sa langis kung saan magkaroon ang kanilang mamamayan ng opsyon para sa entertainment sa kabila ng pagtuligsa rito ng mga kritiko na nagsabing makasalanan umano ang mga sinehan.

“Commercial cinemas will be allowed to operate in the Kingdom as of early 2018, for the first time in more than 35 years,” ayon sa culture and information ministry sa isang pahayag.

Sinabi ni Information Minister Awwad Alawwad sa AFP, na makakatulong umano sa kanilang ekonomiya na aabot umano sa $24 bilyon ang kikitain sa pagbubukas ng Saudi ng mga sinehan.

Dagdag pa nito, inaasahang 300 mga sinehan umano ang mabubuksan sa Saudi sa 2030.

Ngunit gaya ng ilang pampublikong lugar sa Kingdom, magkakahiwalay ang mga lalaki at babae sa sinehan at may hiwalay ding lugar para sa mga pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?