37

Dec 7, 2017 @ 15:04
By

Pag-aresto sa NDFP consultants, hiniling ng DOJ

Matapos ang pag-atras ng gobyerno ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDFP), pormal nang hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa iba’t ibang mga hukuman ang pagbawi sa piyansa ng mga NDFP consultant at iutos ang muling pag-aresto sa kanila.

Tinatayang 17 NDFP consultant ang pinayagan ng iba’t ibang hukuman para pansamantalang makalaya mula sa bilangguan noong 2016 para makasali sa peace talks.

Nabatid na nakapaghain na ng mosyon ang DOJ sa iba’t ibang mga korte para hilingin ang pagbawi sa bail bond ng mga nakakalayang NDFP consultant na dating nakakulong dahil sa mga nakabinbing kasong kriminal.

Kamakailan lamang, nagsumite na ang DOJ ng mosyon sa Manila Regional Trial Court Branch 32 para hilingin ang kanselasyon ng bail bond nina Benito Tiamzon, Wilma Tiamzon at Adelberto Silva.

Nakasaad sa mosyon na salig sa inilatag na kondisyon ng Korte Suprema, dapat lamang na bumalik sa kulungan ang mga akusado matapos na mabigo ang isinusulong na peace negotiation ng makakaliwang grupo at ng gobyerno.

“In view of the cancellation of the peace talks, there is no more legal ground for the continuous provisional liberty of the accused,” ang nakasaad sa mosyon.

Ang mag-asawang Tiamzon at si Silva ay mga akusado sa 15-count of murder dahil sa natuklasan umanong mass grave sa Leyte kung saan sinasabing inilibing ang mga pinatay ng mga komunista noong kasagsagan ng “purging” o paglilinis ng CPP sa kanilang sariling hanay dahil sa hinala na napasok sila ng mga espiya. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?