115

Nov 27, 2017 @ 12:50
By

Pag-aresto kay Sereno mauuwi sa constitutional crisis – Drilon

Nagbabala si Senate Minority Leader Franklin Drilon ukol sa nakaambang constitutional crisis.

Kasunod ito ng banta ng mga kongresista na iisyuhan ng subpoena hanggang sa arrest order si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno kapag patuloy na tumanggi na humarap sa mga pagdinig ng House Committee on Justice sa mga impeachment complaint laban dito.

Ayon kay Drilon, hindi maaaring puwersahin si Sereno na humarap sa impeachment hearings ng Kamara dahil wala itong batayan sa batas.

Idiniin na maaari lang gamitin ng Kamara at ng Senado ang kapangyarihan na mag-isyu ng subpoena at ng arrest order sa mga pagdinig na “in aid of legislation”.

“The power of Congress to issue a subpoena and order the detention of a witness who refuses to obey the subpoena is available only in investigations in aid of legislation. It is not available in an impeachment proceeding,” paliwanag ni Drilon.

Hindi naman aniya para sa paglikha ng batas ang pakay ng Kamara sa pagpapatawag kay Sereno kundi ang pagtalakay sa mga petisyon para ito ay patalsikin.

Dahil dito, pinaghihinay-hinay ni Drilon si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice, sa paggamit ng coercive powers ng Kamara.

“I therefore urge Cong. Umali to exercise the coercive powers of Congress to issue a subpoena against Sereno as there is no basis and will provoke a needless constitutional crisis,” babala ni Drilon. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?