33

Apr 18, 2018 @ 10:53
By

Pag-apruba sa ibang TNCs, pinaaapura sa LTFRB

Kinalampag ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bilisan ang pag-proseso sa aplikasyon ng ibang transport network company (TNC).

Ito’y kasunod nang dumaraming reklamo sa serbisyo ng Grab na aniya’y indikasyon na ng monopolyo makaraang mawala ang dating ka-kumpetensyang Uber.

Ayon kay Castelo, chairman ng House committee on Metro Manila Development, tungkulin ng LTFRB na protektahan ang interes ng commuters kaya dapat madaliin ng ahensya ang pagpasok ng competitors ng Grab.

Binanggit ng kongresista na may apat na lokal na kumpanyang nag-apply para sa TNC licenses, kabilang ang Pira, Lag Go, Owto at Hype.

Una rito, hinimok ni Castelo ang gobyerno partikular ang Board of Investments (BoI), na magbigay ng incentives sa maliliit na kumpanyang handang makipagsabayan sa Grab.

Binigyang diin ng mambabatas na kailangan ang mas maraming local players sa TNC business para mapigilan ang Grab na mangibabaw sa industriya.

“Incentives similar to those given to pioneering businesses such as income tax breaks should be provided to new TNCs, primarily local firms, to encourage competition that will redound to the benefit of the public,” ani Castelo.

Base sa reklamo ng ilang pasahero, tumaas na ng halos doble ang rates ng Grab lalo na tuwing rush hour at idinadahilan ang umano’y mataas na demand.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?