9

Oct 5, 2020 @ 19:03
By

Pag-aprub ng OSG fund pinagpaliban dahil sa malaking allowance ni Calida

Pinagpaliban ng Senado ang pag-apruba ng pondo ng Office of the Solicitor General (OSG) matapos kuwestiyunin ang allowance ni Solicitor General Jose Calida gayundin ang travel at confidential allowance nito sa 2021.

Mismong si Senador Francis Tolentino ang nagsulong na ipagliban ang paglusot ng panukalang P1.116 bilyong pondo para sa susunod na taon.

“I move for the deferral of the OSG budget hearing today until such time that they can submit the requested documents that would buttress their claim that these are being utilized for the appropriate purpose,” sabi ni Tolentino.

Wala namang senador na kumontra sa mosyon ni Tolentino.

“We defer the OSG budget until they have submitted the data or reasons asked by Senator Tolentino,” kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee.

Una rito, inusisa ng senador ang tinatanggap na allowance ni Calida gayong pangalawa siya sa pinakamataas na suweldo sa lahat ng opisyal ng gobyerno.

Depensa naman ni Assistant Solicitor General Henry Angeles, tumatangap ng allowance si Calida mula sa mga client agency na kinakatawan ng OSG.

Si Angeles ang kumatwan kay Calida na hindi nakadalo sa pagdinig matapos payuhan ng doktor ng magpahinga ng ilang araw.

Pero giit ni Tolentino na batay sa COA circular, ang allowance ng isang opisyal ng gobyerno ay hindi dapat lalagpas sa 50 porsiyento ng taunang suweldo nito.

Paliwanag naman ni Angeles, ang COA circular ng binabanggit ni Tolentino ay inisyu ilang taon bago pumasok si Calida sa OSG.

Samantala, kinuwestiyon ni Tolentino ang hirit ng OSG na pondo ang travel expenses na ahensiya para sa 2021 na nagkakahalaga ng P21.499 milyon.

Halos 87.75 porsiyento ng travel funds ay foreign trips sa gitna ng pandemya.

Piniga din ni Tolentino si Angeles hinggil sa hirit ni Caida na confidential funds na P20 milyon para sa taong 2021.

“I don’t see any program on how national security and peace and order would fit in the OSG budget so dito tayo nagkakaroon ng disconnect,” sabi ni Tolentino.

Dahil dito, pinasusumite ni Tolentino sa OSG ang dokumento kung papaano ginagastos ang confidential funds ng ahensiya sa mga nagdaang taon. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?