44

Jan 3, 2018 @ 12:40
By

Pag-anunsiyo sa sisibaking presidential appointee, ipinagpaliban

Hindi natuloy ang nakatakda sanang pasabog ng Malacañang kaugnay sa sisibaking opisyal ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakatanggap siya ng abiso na ipagpaliban muna ang pag-anunsiyo sa sisibaking opisyal.

“As of 7:20 am ay nakakuha po ako ng text na i-hold ko muna daw po ang announcement,” ani Roque.

Hindi naman binanggit ng kalihim kung kanino galing ang text na natanggap nito.

Sinabi ni Roque na bilang abogado ay mas maganda kung mayroon munang kasulatan na nag-aabiso sa sisibaking opisyal bago ianunsiyo.

“Ako naman po bilang abogado, I do not mind holding the information until there is something in writing. Actually I pray for… siguro magkaroon muna ng kasulatan na paratingin muna sa tao bago ianunsiyo,” dagdag pa ni Roque.

Sari-saring espekulasyon ang lumutang kung sino bang opisyal ang sisibakin ni Pangulong Duterte dahil mayroong kontrobersiya sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at mayroon ding petisyon laban sa pinuno ng MARINA dahil sa panay-panay na biyahe abroad, na isa sa pinaka-ayaw ng Presidente. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?