176

Dec 18, 2017 @ 17:34
By

Pag-angkas ng bata sa motorsiklo, hihigpitan sa Makati

Bagaman may batas na naghihigpit sa pag-aangkas ng bata sa motorsiklo, nagpatibay pa rin ng ordinansa ukol dito ang konseho ng Makati City.

Epektibo sa Disyembre 22, iiral sa lungsod ang City Ordinance No. 2017-135 o ang Children’s Safety in Tricycles and Motorcycles Ordinance.

Sa ilalim nito, maaari lang iangkas ang bata kung tutugon sa sumusunod na mga kondisyon: a) madaling nakakaapak ang paa ng bata sa foot peg o tapakan ng motorsiklo nang hindi pinipilit; b) madaling makayakap ang bata sa beywang ng rider; at c) may suot na standard protective helmet ang bata na may tatak na Philippine Standard o PS, o Import Commodity Clearance o ICC.

Ipagbabawal naman ang pag-back-ride sa tricycle para sa kabataang mababa sa 18 taong gulang, pati na sa mga nasa tamang edad ngunit walang sariling kakayanang protektahan ang sarili laban sa anumang uri ng panganib dahil sa kapansanan sa pisikal o sa pag-iisip.

Ang tanging pagkakataong magbibigay ng exception sa naturang mga kautusan ay kapag kailangan ng isang bata ng agarang lunas o emergency medical attention.

Papatawan ng mga sumusunod na parusa ang sinumang mahuling lumalabag sa ordinansa: P2,000 sa unang offense; P3,000 sa ikalawang offense; at P5,000 o pagkakakulong ng hanggang anim na buwan, o parehong kaparusahan sa ikatlong offense, batay sa desisyon ng korte.

Saklaw ng ordinansa ang mga tricycle driver na pinagsabihan ng pamahalaang lungsod na unahin kaysa sa kita ang kapakanan ng inihahatid-sundong mga estudyante.

Ipinatitiyak din sa mga tricycle driver/operator na laging nasa kondisyon ang kanilang sasakyan at panatilihing malinis para sa kaligtasan at kalusugan ng mga sumasakay.

Ang nasabing ordinansa ay nailathala sa pahayagan noong Disyembre 12, 2017, at magiging epektibo sampung araw mula sa nasabing petsa. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?