9

Feb 18, 2021 @ 21:22
By

Pag-angat sa kalidad ng edukasyon ng mga guro isinusulong ni Gatchalian

Para maiangat ang kalidad ng teacher education at training sa bansa, isinusulong ni Senador Win Gatchalian na patatagin ang National Educators Academy of the Philippines (NEAP) na nagsisilbing professional development arm ng Department of Education (DepEd).

Sa Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council (TEC) Act, layunin nitong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay o training ng mga guro sa pamamagitan ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC).

Sa ilalim ng panukalang ito, ang NEAP ay pormal na magiging attached agency ng DepEd upang itaguyod ang professional development ng mga guro at school leader.

Mandato ng NEAP na tiyaking ang mga programa para sa professional development ay akma sa learning environment ng ika-21 siglo at pag-unlad ng karera ng mga guro at school leader.

Bagama’t tiniyak ng Department of Budget and Management na suportado ng 2021 national budget ang mga training at seminar upang ihanda ang mga guro sa “new normal” ng pagtuturo, binigyang-diin ni Gatchalian na ang isang “institutionalized NEAP” ay bahagi ng pagpapatatag at muling pagbangon ng sistema ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19.

Matatandaang ang NEAP ang isa sa mga tanggapan ng DepEd na namuno sa mga programa at mga training noong kinailangang ihanda ang mahigit 800,000 mga guro para sa distance learning.

Ang “NEAP transformation” ay isa rin sa mga bahagi ng upskilling at reskilling ng mga teacher sa ilalim ng “Sulong Edukalidad ng DepEd” na layong tutukan ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?