34

By

Pag-alis sa mga palaboy sa kalye ng Maynila, dinepensahan

Sharing is caring!

Nilinaw ng pamahalaang lungsod ng Maynila kung bakit inaalis sa kalye ang mga palaboy, nais lamang umano ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na iligtas ang mga taong ginagawang bahay ang mga kalye o kalsada, mga ilalim ng puno at mga bakanteng gusali sa kapahamakan.

Ito ang mga dahilan kung bakit nais ni Erap na iligtas ang mga palaboy sa aksidente, mabigyan sila ng matitirhan, makakain at mga gamot.

Ayon kay Bambi Purisima, Media Information Bureau officer, ito umano ang dahilan kung bakit madalas na iniikot ng mga tauhan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) head Nanet Tanyag ang mga kalye partikular ang kahabaan ng Roxas Blvd., Vito Cruz, Quirino Ave., ang Distrito 3 na sumasakop sa Binondo, Quiapo, San Nicolas at Sta. Cruz, at sa Distrito 5 na sakop ang Ermita, Malate, Paco, Port Area, Intramuros at San Andres Bukid.

Paliwanag ni Purisima, ang mga ni-rescue na street dwellers o mga palaboy ay dinadala sa Manila Boystown Complex sa Marikina City, na pinatatakbo ng pamahalaan ng Maynila na pansamantalang tinitirhan nila habang ang mga bata ay ini-enroll sa Fugoso Integrated School.

Sa pasilidad na ito, ang mga palaboy ay binibihisan nang maayos, pinapakain, ginagamot at tinuturuan umano ng mga kaalaman sa hanapbuhay.

Giit pa ng opisyal, kung marunong na sa pinag-aralang hanapbuhay, ang mga ito ay tinutulungan ng Public Employment Service Office o PESO na magkatrabaho. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?