56

Feb 1, 2018 @ 18:06
By

Pag-alaga sa OFWs barya lang kumpara sa P1.4 trilyong ambag nila sa ‘Pinas

Kung kakabitan natin ng metro ang pera-padala ng mga OFWs, lalabas na halos P4.23 billion ang remittances nila kada araw. O P176 milyon bawat oras.

Kung tatlong minuto katagal ang pagbasa sa column na ito, sa loob lang ng ganoong oras o 180 segundo ay P10 mil­yon na ang naentrega nila sa bayan nilang mahal.

Kaya naman dapat lang suklian ang kanilang sakripisyo ng todo serbisyo. At hindi naman magarbo ang kanilang hinihinging sukli mula sa gobyerno.

Gusto lang nilang ligtas ang maybahay nila sa loob ng tirahang pinagpagurang ipundar, na wala sanang snatcher na hahablot ng cellphone ni Junior, at makakauwi ang kanilang dalaga na hindi napipitasan ng hikaw o bag sa loob ng jeep o UV express.

At kung sila naman ang malalagay sa ala­nganin sa bayang umampon sa kanila, hi­ling nila ay maagap na pagresponde sa kanila ng gobyerno ng Pilipinas.

Tama ang ginawa ng pamahalaan na palobohin ang Assistance to National Fund (ATN) para sa OFWs, mula P400 milyon nu’ng nagdaang taon at ngayo’y naging P1 bilyon.

Ang Legal Assistance Fund naman ay dinoble, kaya P200 milyon na ito ngayon. Samakatuwid, P1.2 bilyon ang emergency fund na nakasubi para sa mga migranteng nagigipit.

Ang pondong ito ay pinangangasiwaan ng DFA. Subalit tila kulang pa ang mga ito, kung ikokonsidera ang ilang mga bagong kaganapan.

Una, nandiyan ang deklarasyon ni Pangulong Duterte na sagipin ang lahat ng mga OFW na nasa peligro. Ika nga, ‘no OFW left behind’ na patakaran.

Idagdag dito ang lumulobong bilang ng mga kababayan nating nangibang-bansa na humihingi ng saklolo.
Ilakip ang ilang deve­lopments na wala sa ating kamay, na nagbabadya ng malaking hamon, tulad ng maaring pagrebisa ni Trump ng DACA program na maaring magresulta sa maraming Pinoy sa ‘Merika na mag-alsa-balutan.

Bago pa man pinala­kas ang ATN, maraming kababayan na natin ang nasadlak sa kulungan sa ibang bansa. Sa pagsusuri ko, aabot ng 3,827 mga Pinoy ang humihimas sa malamig na rehas sa 52 bansa.

Kung ibibilang pa dito ang Filipinos ‘in distress’, kulang-kulang 4,500 silang lahat. Tinatayang 600 sa kanila ay kababaihan. At 130 naman ang nasa Death Row sa 11 bansa.

Hindi pa kasama sa talang ito ‘yung mga Pinoy na may problema sa immigration at namemeligrong ma-deport. Hindi rin kasali ang mga may sakit.

Kaya ang aking mungkahi ngayon pa lang, ihilera na ang pondong pandagdag sa ATN at iba pang ayuda sa mga OFW.

Nandiyan ang P13 bil­yon na Contingent Fund na hawak ng Pangulo. At kita mula sa PAGCOR at PCSO na puwedeng pandagdag sa tulong pinansyal sa OFWs.

Ano ba naman ang P1.2 bilyon pondo kung ihahambing sa P1.4 trilyong remittance na iniambag sa ekonomiya ng ating mga butihing bayani? Hindi ba’t katumbas lang iyan ng isang linggong remittance sa bansa?

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,