66

Jan 1, 2018 @ 11:34
By

Pag-abuso ng mga oil firms, bantayan ngayong 2018

Pinakikilos ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo ang Department of Energy para pigilan ang anumang tangka ng mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo gamit ang fuel stocks na inangkat bago pa mag-Enero ngayong taon.

Sabi ni Salo, bagama’t epektibo ng January 1, 2018 ang mas mataas na excise taxes sa produktong petrolyo, aabutin pa ng ilang linggo bago maramdaman ang impact nito sa presyo base sa deregulated oil market.

Pinatitiyak rin ni Salo kay Energy Sec. Alfonso Cusi na tama ang magiging kuwenta sa pagtataas ng presyo ng mga oil company.

Ayon sa kongresista, dapat tiyakin nina Cusi at Executive Sec. Salvador Medialdea na gagawin ng ERC ang tungkulin nito na protektahan ang publiko laban sa anumang pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis.

Kaugnay nito’y umapela naman si Salo sa ilang sektor o grupo na huwag gamiting panakot sa mga Pilipino ang mas mataas na excise taxes sa langis.

Paliwanag ng mambabatas, ang nababanggit sa mga ulat ay rates na nakasaad sa TRAIN Law o pagtaya sa impact ng mas mataas na buwis sa langis para sa buong taon ng 2018.(Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?