By

Pag-absuwelto sa 3 big-time drug lord, hindi pa pinal – Roque

Sharing is caring!

May pag-asa pang mahabol ang kasong drug trafficking na ibinasura ng National Prosecution Service laban sa kilalang drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi pa pinal ang desisyon na inilabas ni Prosecutor General Jorge Catalan dahil idadaan pa aniya sa review ng tanggapan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang ibinasurang drug case nina Espinosa.

“Yan po ay rerepasuhin pa ng ating kalihim na si Secretary Aguirre, at umaasa kami na bubusisiin talaga yung ebidensya at titingnan na gaya ng sinabi ng prosecution panel na hindi raw kapani-paniwala yung ating state witness,” ani Roque.

Umaasa aniya ang Malacañang para sa masusing pagrepaso sa kaso upang mapanagot sa batas ang mga sangkot sa iligal na droga.

“Sisiguraduhin din ng Palasyo na magpapabigay notisiya tayo kay sec Aguirre ng isang masusing pagrepaso ng kasong ito dahil importante na ipaabot ang mensahe na lahat ng mga nangangalakal ng ipinagbabawal na gamot ay mapapanagot sa ating administrasyon,” dagdag pa ni Roque.

Sina Espinosa, Lim at Co ay kinasuhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Gayunpaman, December 2017 pa pala inilabas ng National Prosecution Service ang desisyon na nagbabasura sa kaso laban kina Espinosa, Lim at Co subalit ngayon na lamang nailabas sa publiko.

Umaani ngayon ng batikos ang desisyong ito ng Prosecutor General dahil maituturing umano itong setback o dagok sa anti- illegal drug campaign ng Duterte administration.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?