218

By

Pag-abandona sa 22 mangingisdang Pinoy, ‘di makatao – Palasyo

Tinawag ng Malacañang na “uncivilised” at nakakagalit ang pag-abandona ng Chinese fishing vessel sa 22 Pilipinong mangingisda makaraang magbangaan ang kanilang mga bangka sa Recto Bank sa Palawan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na aksidente man o sinadya ang banggaan, dapat sinagip ang mga mangingisda nang lumubog ang kanilang sinakyang bangka.

Ang kaligtasan aniya ng mga mangingisdang Pinoy ang dapat unang inisip ng nakabanggang bangka.

“The act of abandonment by those sailing the Chinese fishing vessel of 22 Filipino fishermen aboard their anchored and stationary watercraft hit by them, is uncivilised and outrageous,” ani Panelo.

Hindi aniya dapat naging hadlang ang isyu sa agawan ng teritoryo para tulungan ang mga mangingisdang Pilipino habang lumulubog ang kanilang bangka.

Tinawag ni Panelo na hindi makatao at barbaric ang naging aksiyon ng kapitan at tripulante ng Chinese vessel at malinaw na paglabag sa Maritime protocols .

“Such act of desertion is inhuman as it is barbaric. It is crystal clear violation of maritime protocols as well as an infringement of internationally accepted practice of assisting a vessel in distress,” dagdag pa ni Panelo.

Iginiit ng Malacañang na imbestigahan ng China ang naganap na insidente at patawan ng kaukulang parusa ang Kapitan at mga tripulante ng Chinese vessel na nasangkot sa insidente.

Sinabi ni Panelo na kumilos na ang mga ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mga nailigtas na mangingisdang Pinoy mula sa lumubog nilang bangka.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Panelo sa mga tripulante ng Vietnamese vessel na nagligtas sa mga mangingadang Pinoy kaugnay sa naganap na insidente noong June 9.

” We express our sincere gratitude to the seamen of a Vietnamese vessel who rendered relief services to the distressed Filipino fishermen following the collision,” wika pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?