55

Jun 16, 2020 @ 0:09
By

Pag-aari ng ABS-CBN hindi nawala sa Lopezes

Hindi kailanman nawala sa pag-aari ng pamilyang Lopez ang ABS-CBN kahit na ito’y ipinasara noong taong 1972 bunga ng pagdeklara Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Paglilinaw ito ng abogado ng ABS-CBN na si Atty. Arecio Rendor Jr. sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committees on Legilative Franchises at Good Government and Public Accountability kaugnay sa pag-renew ng prangkisa ng naturang TV network.

Naging sentro sa pagdinig ang isyu naman sa legalidad ng muling pagbabalik ng pag-aari ng ABS-CBN sa pamilyang Lopez matapos na ito’y noong magdeklara ng Martial Law.

Pinaliwanag ni Rendor, noong Martial Law ay kinuha o inalis lamang mula sa
Lopezes ang ‘possession’ at ‘right to use’ ng real estate ng kompanya at broadcast equipment at hindi ang pagmamay-ari.

Magpapatunay umano dito ang titulong inisyu sa kompanya noong 1967.

“Hindi nawalay ang pag-aari ng Lopez family sa ABS-CBN at mga broadcast facilities and equipment, even from the time Martial Law was declared until today,” ayon kay Rendor.

Nagbalik operasyon umano ang network noong 1986, ilang buwan matapos ang EDSA People Power Revolution.

Pinayagan umano ng Lopezes ang pamahalaan sa ilalim ni dating Pangulong Cory Aquino na gamitin ang facilities at broadcast equipment ng network habang nasa krisis ang bansa.

Noong Enero 1987, nagkaroon umano ng arbitrasyon sa pamahalaan na kung saan ibinalik ang mga ari-arian at equipment ng ABS-CBN sa pamilya Lopez.

Una nang sinabi ABS-CBN president and chief executive officer Carlo Katigbak na ang pagbalik ng ABS-CBN sa Lopez family ay may basbas ng tatlong government agencies na kinabibilangan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), Office of the President, at Supreme Court.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?