75

Nov 7, 2017 @ 16:24
By

Pag-aaral sa Benham Rise, popondohan ng P100M

Inaprubahan na ng House Committee on Foreign Affairs ang House Resolution 45 na naglalayong bigyan ng P100 milyong alokasyon ang survey mapping ng Benham Rise.

Nakasaad sa resolusyong iniakda ni Ilocos Sur Rep. Deogracias Victor Savellano na kabilang sa pag-aaralan sa Benham Rise ang “physical dimension” ng lugar at maging ang exploration ng mineral deposits nito bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.

Layon din ng resolusyon na palitan ang pangalan ng rehiyon at gawing “Philippine Northeast Continental Shelf” bilang pagpapakita ng pagmamay-ari dito ng Pilipinas.

Inaatasan naman ang Departments of Science and Technology (DOST), Energy (DOE), Environment and Natural Resources (DENR), Agriculture (DA), at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na magpatupad ng kinakailangang mga alituntunin at aktibidad para sa survey mapping ng Benham Rise.

Ang Benham Rise na kilala rin bilang Benham Plateau, ay may sukat na 13 milyong ektarya at nasa layong 160 nautical miles sa silangan ng Luzon malapit sa mga lalawigan ng Isabela at Aurora.

Binanggit sa resolusyon na ang Benham Rise ay hindi kasama bilang teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng doktrina ng United Nations Convention on the Law of the Sea at mga probisyon ng of Republic Act No. 9522 (Archipelagic Baselines Law).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?