60

Jan 2, 2018 @ 17:46
By

Padyak boy, agaw-buhay sa tarak ng adik

Agaw-buhay ngayon ang isang pedicab driver o padyak boy matapos na pagsasaksakin ng isang lalaking sabog sa ipinagbabawal na gamot na nakasalubong lang niya sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina PO3 Julius Mabas at PO3 Richard Calaycay, ng Malabon Police, alas-11:00 ng gabi nangyari ang krimen sa kanto ng M.H Del Pilar at Gov. Pascual Avenue, Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod.

Naglalakad pauwi ng bahay galing sa pagbili ng sigarilyo ang biktimang si Charlito Dagucano, 39-anyos, ng Kaingin Street nang makasalubong ang sabog sa droga na suspek na nakilala lang sa alyas na Dos, residente rin sa lugar at pinagsasaksak ang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek habang nakahingi ng saklolo ang ilang mga nakasaksi sa krimen sa nagsasagawa ng Oplan Sita na mga tauhan ng Malabon City Police Tactical Motorcycle Riders Unit sa nasabi ring lugar.

Isinugod sa Tondo Medical Center si Dagucano na nasa kritikal na kondisyon sa ngayon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?