115

Sep 19, 2021 @ 18:46
By

Pacquiao sa pagtakbo: ‘Wala akong inaatrasang laban’

Sa pagtanggap ng kanyang nominasyon bilang presidential candidate ng kanilang grupo sa PDP-Laban, binigyang-diin ni Pacquiao na hindi niya aatrasan ang pinakamabigat na laban sa kanyang buhay.

“I am a fighter and I will always be a fighter inside and outside the ring,” pahayag ni Pacquiao sa kanyang speech matapos tanggapin ang nominasyon ng kanyang partido.

“Sa buong buhay ko wala akong laban na inatrasan. Dahil sa ngalan ng prinsipyo, karangalan ng bayan ay tumatayo ako, naninindigan at nakikipaglaban” dagdag pa nito.

“Ang Manny Pacquiao na kilala ninyo bilang pambansang kamao, ay walang ipinagkaiba sa Manny Pacquiao na kasama ninyo laban sa kahirapan at katiwalian,” saad pa nito.

Pinasaringan din ni Pacquiao, ang kabilang grupo ng PDP-Laban na umano’y gusto siyang pabagsakin.

“Sa loob ng ilang buwan ay nanahimik ako sa gitna ng kabi-kabilang pagsubok. Dito mismo sa loob ng sarili kong Partido, ang PDP Laban na aking tinanggap, kinalinga at ipinagtanggol, ay pilit akong binubuwag ng ilan sa ngalan ng pansariling interes at politika,” ani Pacquiao.

“Sa kabila nito ay nandito ako ngayon, upang ipakita sa inyo na higit sa Partido – prinsipyo at paninindigan ang mahalaga. Higit sa sarili, bayan dapat ang mauna,” sambit pa nito.

Sa kanyang talumpati, sinariwa din ng senador ang kanyang mga naranasang noong panahon na hirap na hirap sila sa buhay.

“Sa mga nagtatanong kung ano ang aking kakayahan, naranasan nyo na bang magutom? Naranasan nyo na bang walang makain? Ang mangutang sa kapitbahay o mag-abang ng tira sa karinderya? Alam nyo ba ang pakiramdam ng isang Pilipino na nakikipaglaban sa boksing, nagpapabugbog sa kalabang mas malaki at mas malakas, para makabili lang ng pagkain?” lahad nito.

Binigyang diin pa ni Pacquiao, na siya pinanday na ng hirap dahil dumaan siya lahat ng klase ng sakit at sakripisyo para maiahon ang pamilya sa kahirapan.

“At ang Manny Pacquiao na pilit nilang pinababagsak ay ilang beses nang bumangon, nagsikap at nagtagumpay,” ayon sa senador.

“Damang dama ko ang nararamdaman ninyo. Alam ko ang hirap na nararanasan ninyo. At Alam ko pagod na pagod na kayo,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?