796

Nov 18, 2021 @ 9:49
By

Pacquiao pinitik si Marcos Jr.: ‘Bakit tayo boboto ng korap?’

Sa kanyang pagharap sa daan-daang pastor sa Bulacan noong Miyerkoles ay pinasaringan ni Senador Manny Pacquiao ang mga ‘korap’ na politiko, na para sa kanya ay hindi dapat iboto.

Bagamat ‘di nagbitaw ng pangalan, pinasaringan ni Pacquiao ang katunggali sa pagka-pangulo na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kaugnay ng pangako umano nito na ibabalik ang mga ginto sa mamamayan kapag nanalo.

“Inamin din nila, ibabalik ang gold. Kapag sinabing may ibabalik, ibig sabihin, ninakaw nila . . . Bakit tayo boboto ng korap?” saad ni Pacquiao, na sinalubong ng palakpakan.

Bukod kay Marcos Jr., binanatan din ng presidential aspirant ang iba pang mga magnanakaw sa gobyerno na todo-kapit sa posisyon.

“Hindi naman ako nagsi-single out ng isang apelyido lang. Ang dami namang magnanakaw dito sa ating bansa. Ang daming mga, ewan ko, ang tatakaw sa pera, ang tatakaw sa kayamanan, ang tatakaw sa posisyon. Hindi na tayo doon nakasentro sa pagbabago. Kundi nakasentro ang bawat isa doon sa kanilang vested interest, doon sa kanilang power. Doon sa kanilang hinahangad na yumaman at yumaman sila,” saad pa ng senador.

Si Pacquiao ay tumatakbong pangulo kung saan ka-tandem niya si Rep. Lito Atienza. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?