83

Nov 19, 2021 @ 17:03
By

Pacquiao pinayuhan si Quiboloy sa kasong sex trafficking

Wala umanong magagawa si Kingdom of Jesus Christ Church Pastor Apollo Quiboloy kundi harapin na lang ang kanyang kasong sex trafficking sa Estados Unidos.

Ito ang sinabi ni presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao matapos sampahan ng kasong sex trafficking ng ilang US prosecutor si Quiboloy.

“Indictment on sex trafficking especially involving minors is a very serious offense. Ngunit ang kaso na ito ay nasa husgado na ng Amerika kaya hintayin na lang natin ang magiging resulta,” sabi ni Pacquiao sa isang statement.

“Any accused is presumed innocent unless proven otherwise. Ang maganda ay harapin na lang ni Mr. Apollo Quibuloy ang kaso para maipagtanggol niya ang kanyang sarili,” dagdag pa nito.

Naghain si Senador Manny Pacquiao nitong Martes ng P100 milyong libel at cyber libel case laban kay Quiboloy, ang self-proclaimed “Appointed Son of God” at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong Setyembre 13, sinampahan ni Pacquiao ng kasong libel si Quiboloy matapos akusahan ang senador na kinurakot ang pondo sa pagpapagawa ng hindi natapos na Sarangani Sports Training Center (SSTC).

Nag-ugat ang reklamo laban kay Quiboloy, matapos akusahan ng huli ang senador sa diumano’y maling paggamit ng pondo para sa SSTC project.

Sa kanyang mga pahayag sa kanyang programa sa telebisyon at sa kanyang social media account, idinawit ni Quiboloy ang “Pambansang Kamao” sa diumano’y maanomalyang pagwaldas ng P3.5 bilyong pondo para sa naturang proyekto.

Naglabas pa si Quiboloy ng mga larawan ng mga sira-sirang upuan at mga lumang gusali sa Sarangani Sports Complex.

Mariin namang itinanggi ni Pacquiao at sinabing isang “fake news” ang mga paratang sa kanya ni Quiboloy.

Sabi ng senador, ang P3.5 bilyong pondo na binabanggit ni Quiboloy ay inilaan para sa itatayo sanang Philippine Sports Training Center sa Bataan at hindi para sa SSTC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?