77

May 3, 2021 @ 16:59
By

Pacquiao nakulangan kay Duterte sa WPS issue

Tila nakulangan si Senador Manny Pacquiao sa paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng panghihimasok ng mga Chinese sa West Philippine Sea (WPS).

“Sa akin, nakukulangan ako, nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, nag-eeleksyon pa lang. Dapat ipatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto [galing sa China],”pahayag ni Pacquiao sa online interview ng mga reporter.

“Nakakapanghina dahil iba kasi yan doon sa simula,” dagdag pa nito.

Ang pahayag ni Pacquiao ay reaksiyon nito sa nauna nang pahayag ni Duterte na malaki ang utang na loob ng Pilipinas sa China hinggil sa ibinigay na COVID-19 vaccine.

“Sino ba naman ang makipag-giyera, wala naman siguro makipag-giyera sa panahon ngayon. Ang sa atin lang respetuhin naman karapatan natin, igalang naman yung kung sa atin ay sa atin, wag naman apakan ang sa atin,” sabi pa ng boxing champion.

Naalala pa ni Pacquiao ang sinabi noon ni Duterte bago ito manalo bilang presidente na sasakay siya sa jet ski patungo sa Spratly Island at itatanim ang watawat ng Pilipinas doon.

“Narinig natin bago mag-election, sa pangangampanya, nung sinabi niya na mag-jet ski siya, dala yung watawat ng Pilipinas doon, e siyempre, kahit ako sa puso ko, ito na yung iboboto ko dahil ito yung dapat na presidente, kailangan natin, na pinaglalaban yung bansa natin,” ayon kay Pacquiao.

“Tapos pagdating ng panahon dapat manindigan tayo kung ano ang sa atin,” sambit pa nito.

Nauna nang naghain ng Department of Foreign Affairs ng diplomatic protest laban sa China kaugnay g pananatili ng mga Chinese vessel sa iba’t bahagi ng ng WPS.

Nang tanungin si Pacquiao kung ano dapat gawin ng pangulo para matiyak ang karapatan ng Pilipinas sa WPS, sinabi nitong kailangang manindigan ang Pilpinas sa kanyang posisyon na naturang teritoryo ng bansa.

“Ang gusto ko ang ipakita na manindigan tayo walang tayong pabuckle buckle para lumakas din loob ng ating mga kababayan. Ipaglaban natin ang bansa natin. I hope na ganun din nararamdaman ng ating mga kababayan. ipaglaban natin,” ani Pacquiao.

“Parang bakuran mo yan may nagtatayo ng kubo papayag ka ba? Ganun yan dapat manindigan tayo. Ang sa atin pakikipagkaibigan,pero pag inaapakan di naman tayo natutulog sa pansitan,” wika pa nito

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?