35

May 7, 2020 @ 10:01
By

Pacquiao medyo nagulat sa ABS-CBN shutdown

Nagulat umano si Senador Manny Pacquiao sa hakbang ng National Telecommunications Commission (NTC) na ipahinto ang pagsasaere ng ABS-CBN.

Banggit niya sa panayam sa ANC ngayong Huwebes ng umaga, inaasahan niyang pagkakalooban ng provisional authority to operate ang TV network gaya ng binigay noon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines noong mapaso ang prangkisa nito.

“Nagulat din ako sa aksiyon ng NTC, dahil may mga nangyayari naman na gano’ng sitwasyon at binigyan nila ng extension–‘yung tinatawag nating provisional authority to operate–at hindi nila ginawa ‘yun,” wika ng senador.

“Marami nang binigyan nila ng provisional authority habang hindi pa nabibigyan o na-renew ‘yung prangkisa ng isang company, katulad na lang nung CBCP nung hindi pa natapos ‘yung pagdinig sa Kongreso at nag-expire na ‘yung license nila … I’m expecting for this situation na ganun din ang gagawin ng NTC–magbibigay sila ng provisional authority–pero hindi gano’n ang nangyari. Medyo na-surprise tayo,” aniya pa.

Hinihimok na umano ni Pacquiao ang kanyang mga kapwa senador na dinggin na ang hinain aniya nilang panukala ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto upang makapag-operate pa rin ang ABS-CBN kahit expired na ang prangkisa nito noong Mayo 4.

Samantala, naghain si Cagayan de Oro City 2nd district Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara ng mga panukala para sa paggawad ng bagong 25-taong prangkisa at provisional franchise, parehong sa nasabing TV network.

“Kailangan lang talaga [na] pati ‘yung Lower House, i-hear nila ‘yung bill na ‘yun para gumalaw,” sambit ng senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?