40

Jul 21, 2021 @ 19:06
By

Pacquiao mapapatumba sa tsamba – Donaire Sr.

Naniniwala ang Filipino boxing coach na si Nonito Donaire Sr. na mas mabagsik ang mga kamao ni Manny Pacquiao kumpara kay Errol Spence Jr.

May bentahe man daw sa edad at lakas si Spence ay hindi ito uubra sa mas malupit na suntok at hindi pa kinakalawang na bilis ni Pacquiao, batay na rin sa naging karanasan niya.

“Isang advantage ni Errol Spence ‘yung edad… bata. Lakas, may lakas din. Kay MP (Manny Pacquiao) naman bilis, sa lakas din kasi na-experience ko maghawak ng… mag-mitts sa kanya… napakasakit ng tama niya. Marami na akong na-mitts na medyo malalaki sa kanya pero ang dating ng suntok e mabigat. Ang sa kanya naman bilis… ang sakit tumama kapag nag-land sa kamay mo ang sakit,” pahayag ni Donaire sa vlog ni sports journalist JM Siasat.

Kaya kumpiyansa si Donaire na “tsamba” lang ang magpapatalo sa Filipino boxing icon katulad ng nangyari noong makipaglaban ito sa Mexican boxer Juan Manuel Márquez.

“Matatalo siya kapag natsambahan siya. Kagaya ng nangyari kay Marquez,” dagdag niya.

“Slow starter si Spence. Para siyang diesel engine na kapag tumatagal lalong umaano. Si Manny naman gas. Gasolina unang start mabilis so for six rounds bigay ko kay MP ‘yan,” saad pa niya.

Nakatakdang magharap sina Spence at Pacquiao sa August 21 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Ito ang magiging unang apak sa boxing ring ng Pambansang Kamao sa nakalipas na dalawang taon matapos pabagsakin si Keith Thurman noong 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?