29

Jul 16, 2021 @ 19:11
By

Pacquiao makikipagpaligsahan sa memorization

“Makipag-contest na lang siguro ako ng memorization.”

Ito ang tugon ni Senador Manny Pacquiao matapos siyang sabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na “punch-drunk” kasunod ng kanyang alegasyon tungkol sa korapsyon sa ilang ahensiya ng gobyerno.

“Hindi naman ako sa nagyayabang pero makipag-contest na lang siguro ako ng memorization kung punch-drunk ako,” sabi ni Pacquiao sa panayam sa DZBB.

Nang tanungin kung sino ang hahamunin nito sa “memorization contest”, sinabi nitong: “Ayoko na lang mag-abot sa ganyan.”

Dismayado rin si Pacquiao dahil minamaliit siya ng ilang kasama niya sa gobyerno.

“Naaawa ako sa sambayanang Pilipino, kasi kung ako na senador, in-elect ng tao, ako na Manny Pacquiao, kaya nilang ganyanin, ano pa kaya ang mga maliliit na tao, ‘yung mahihirap na tao?”tanong ni Pacquiao.

“Kung ako nga ginaganoon, kaya nilang ganyanin, ano pa kaya ‘yung maliliit na tao, kaya nilang lokohin. Ito na ‘yung time, na isinisigaw ko sa sambayanang Pilipino, na ipaglaban ko kayo,” pagpapatuloy pa nito.

Isa si Pacquiao sa mga lumulutang na posibleng kandidato sa pagka-pangulo sa 2022 elections.

Wala pang pahayag si Pacquiao kung anong posisyon ang kanyang tatakbuhan sa susunod na halalan. Kasalukuyan siyang nagsasanay sa US para sa nalalapit niyang laban kay Errol Spence Jr.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?