187
manny-pacquiao1
Apr 10, 2018 @ 18:03
By

Pacquiao lagas na ang knockout power!

Halos siyam na taon na nang huling maka-knockout win ang eight-division champion at ring legend na si Manny Pacquiao.

Pagkatapos ng siyam na taon, maraming fans, boxing analyst at kritiko ang nagsasabing lipas na ang kinang at wala na ang dating bilis at lakas ng Pambansang Kamao kaya nalalapit na ito sa dulo ng kanyang karera.

Huling nagwagi via knockout ang 39-anyos na ngayong si Pacquiao laban kay Miguel Cotto noong Nobyembre 14, 2009 sa MGM Grand sa Las Vegas kasabay ng pagsukbit ng WBO welterweight belt.

Bago ito, sunud-sunod niya ring tinalo via knockout sina David Diaz (June 28, 2008/9th round TKO), Oscar De La Hoya (December 6, 2008/ nagretiro sa 8th round) at Ricky Hatton (May 2, 2009/ 2nd round KO).

Matapos ang 2009, puro desisyon na lamang mula sa tatlong hurado ang mga naging panalo ni Pacquiao. Nakalasap pa ito ng KO defeat mula sa kamay ng Mehikanong Juan Manuel Marquez sa ikaapat nilang paghaharap taong 2012.

“Wala na. Dapat kay Manny magretiro na at magpokus na lamang sa pagiging senador,” ayon sa isang kritiko ng boksingero sa ilang blog sites.

“Laos na siya. Kung gusto niya bumalik ang kasikatan niya dapat ma-knockout niya si (Lucas) Matthysse,” wika ng isang boxing analyst.

Pero may ilang nananatili ang sampalataya sa kakayahan ng ‘The Pacman’. Sabi ng ilan, nawala man ang dating bilis at lakas ni Pacquiao, napalitan naman ito ng talino sa ibabaw ng boxing ring. “Mas naging wais na siya, hindi na puro gigil,” anang isang panatiko nito.

Nakatakdang sumalang si Pacquiao laban kay Argentinian WBA welterweight champion Lucas Matthysse sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nasa kasagsagan na ng kanyang training ang Argentinian habang nagsisimula na rin sa kanyang light workout ang Pambansang Kamao, na hinirang si Restituto ‘Buboy’ Fernandez bilang head trainer matapos ang 17-taong tambalan nila ni American trainer Freddie Roach.

Ayon sa manager ni Pacquiao na si Michael Koncz, nagdesisyon si Pacquiao na palitan si Roach dahil nasaktan ito sa mga sinabi sa media matapos ang kabiguan kay Jeff Horn sa Australia noong isang taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?